Pages

Friday, September 26, 2014

Barangay Manoc-manoc magkakaroon na ng Sewage Treatment Plant

Posted September 26, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Umuusad na ang Used Water Network Project ng BIWC sa Barangay Manoc-manoc kung saan dito rin magkakaroon ng panibagong STP o Sewage Treatment Plant.

Ang proyektong ito na nagkakahalaga ng P298 Million ay inumpisahan noong nakaraang buwan ng Pebrero at inaasahang matatapos sa loob ng tatlong taon.

Nag-umpisa ang operasyon ng contractor na Anden Construction sa Sitio Tulubhan at Sitio Bantud at kasalukuyang nasa 10% pa lamang ang nalatagan ng linya sa kabuuang area ng Barangay Manoc-manoc.

Layunin ng proyekto na ang lahat ng maruming tubig mula sa mga kabahayan at establisyemento ng nasabing barangay ay direktang mapupunta sa STP para sa gagawing treatment bago ito ibalik sa dagat.

Bagamat may mga nangangamba sa posibleng epekto nito sa baybayin ng Boracay, tiniyak naman ng BIWC na sinusunod nila ang pinakamataas na pamantayan ng DENR kasama na ang pagkuha ng lahat ng permit lalo na ng Environmental Compliance Certificate.

Ang water sampling ay regular din umano nilang isinasagawa para malaman kung ligtas at pumasa ito ayon sa pamantayan bago ibalik sa dagat.

Ang Sewage Treatment Plant o STP ay isang mahalagang pasilidad para mapangalagaan ang kapaligiran lalo na sa pagdami ng mga naninirahan sa isla at lumulubong dami ng turista na nagbabakasyon taun-taon.

No comments:

Post a Comment