Pages

Monday, August 11, 2014

Sampung Cruise ship, nakatakdang bumisita sa Boracay ngayong 2015

Posted August 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sampu umanong mga cruise ship ang nakatakdang bumisita sa isla ng Boracay ngayong darating na 2015.

Ito ang kinumpirma ni Special Operation Officer III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port matapos ang kanilang ginawang pagpupulong kasama ang Provincial Tourism Office para dito.

Aniya, patunay lamang ito na malaki ang naitutulong ng promotions and marketing sa ibat-ibang lugar sa mundo para sa isla ng Boracay.

Ito rin umano ang dahilan kung bakit maraming mga kompanya ng cruise ship ang gustong subukan ang mag tour sa isa sa pinakamagandang island resort sa mundo.

Nabatid na patuloy ngayon ang ginagawang pagsulong ng probinsya ng Aklan at ng Department of Tourism (DOT) na maging cruise ship destination ang isla ng Boracay.

Sa kabilang banda ang MS Superstar Aquarius ay nakatakda ring bumalik sa isla ngayong darating na Nobyembre at Disyembre sakay ang mahigit isang libong turista.

Samantala, nito lamang buwan ng Hulyo ay dumaong ang MS the World sa Boracay sakay naman ang mahigit 429 na mga turista mula sa Norway at US.

No comments:

Post a Comment