Pages

Tuesday, August 19, 2014

Kalibo International Airport, wala pang plano para sa APEC Summit 2015

Posted August 19, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Wala pa umanong plano ang pamunuan ng Kalibo International Airport (KIA) para sa nalalapit na APEC Summit 2015 sa Boracay.

Ito ang sinabi ni CAAP o Civil Aviation Authority of the Philippines OIC- Manager Cynthia Aspera sa panayam ng himpilang ito.

Aniya, hindi pa umano sila nakakatanggap ng abiso mula sa gobyerno o sa mga kinauukulan para paghandaan ang gaganaping Asia Pacific Economic Conference sa Boracay.

Sinabi pa nito na kulang umano ang terminal area sa nasabing paliparan kung saan ito rin sa ngayon ang kanilang binibigyan pansin.

Samantala, sakali umanong mabigyan sila ng abiso ay nakahanda naman sila para sa inaasahang mahigit isang libong partisipante ng APEC Ministerial meeting sa Boracay.

Napag-alaman na patuloy rin ngayon ang ginagawang pagpapalaki ng run way ng Kalibo Airport dahil sa tuloy-tuloy na pagpasok ng International flights.

Sa ngayon puspusan na rin ang pag-papaayos ng ibang pasilidad dito para sa muling pagdagsa ng maraming turistang pupunta sa isla ng Boracay dahil sa nalalapit na peak season.

No comments:

Post a Comment