Pages

Thursday, May 08, 2014

SB Gallenero, nagpasa ng resolusyon kaugnay sa mga events sa Boracay

Posted May 8, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpasa ng resolusyon si Malay SB Member Jupiter Gallenero kaugnay sa mga event na isinasagawa sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos ang pagdagsa ng maraming turista sa isla nitong nakaraang mga araw lalo na nitong Labor Day o LaBoracay kung saan isa umano sa mga naging problema ng LGU Malay ay ang hindi pagtupad sa mga ordinansa.

Ayon kay Gallenero, ang mga nagkalat na basura sa beach front kung saan idinaos ang mga naturang event ay isa sa problema ng Boracay nitong mga nakaraang araw.

Aniya, ilan sa mga naiwang basura sa shoreline ay ang upos ng sigarilyo, mga plastic bottle at maging ang mga bote ng beer.

Samantala, sinabi naman ni SB Member Floribar Bautista na isama nalang sa pagkuha ng special permit ang ilang ordinansa na kailangan ipatupad sa mga event na isasagawa sa Boracay.

Sa kabilang banda ikinatuwa naman ni Gallenero ang patuloy na pagdagsa ng turista sa Boracay dahil sa mas pinili nila ang isla para sa kanilang bakasyon.

Nabatid naman na mas maraming turista ang nagbakasyon sa Boracay matapos ang Holy week base na rin sa datos ng Tourism Office.

No comments:

Post a Comment