Pages

Friday, May 23, 2014

Front Beach ng Station 1 Balabag Boracay, binulabog ng sunog kaninang hapon

Posted May 23, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nabulabog kaninang mag-aalas dos ng hapon ang front beach ng Station 1 Balabag Boracay dahil sa nangyaring sunog sa isang restaurant doon.

Ayon kay Fire Officer 1 Rallie Lou Bisana ng Bureau of Fire Protection Unit Boracay, tumagal ng mahigit 15 minuto ang sunog na agad namang naapula.

Lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na nagsimula ang sunog sa kusina ng nasabing restaurant at tinitingnang anggulo dito ang exhaustion o sobrang init.

Ayon naman sa ilang staff ng Gerry's Grill Boracay, nagulat na lamang sila nang biglang may lumabas na usok mula sa exhaust ng kanilang kusina.

Umakyat umano sila sa 2nd floor ng kanilang restaurant kung saan nagmula ang makapal na usok na umabot pa sa 3rd floor.

Kaagad din anya silang kumuha ng fire extinguisher upang puksain ang apoy sabay tawag ng bombero.

Samantala, kaagad namang dumating ang mga taga Boracay Fire Rescue Ambulance Volunteer (BFRAV), Bureau of Fire Protection Unit (BFPU) Boracay, at iba pang rescue volunteers upang puksain ang apoy.

Bagama’t may mga kustomer pa doon sa 3rd floor, nabatid na naging mapayapa namang nakalabas ang mga ito mula sa nasabing restaurant.

Wala naman naitalang nasugatan dahil sa pangyayari.

No comments:

Post a Comment