Pages

Saturday, May 31, 2014

Approval ng bagong Schedule of Base Market Values sa Aklan, pinarerepaso na ni Gov. Miraflores

Posted May 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinarerepaso na ni Aklan Gov. Florencio “Joeben” Miraflores ang approval sa bagong schedule ng Base Market Values o bayarin sa buwis sa 17 bayan sa probinsya.

Sa 17th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan nitong Mayo 28, pinag-usapan ang hiling ng gobernador na e-review ang bagong schedule ng General Revision sa bayarin ng buwis na isumite ng Provincial Assessor’s Office.

Samantala, nabatid na itataas sa 200 hanggang 300 porsiyento ang bayarin sa buwis sa probinsya dahil pansamantalang isinantabi ng pamahalaang probinsyal sa loob ng siyam na taon ang General Revision ng Base Market Values, sanhi ng mga nagdaang kalamidad sa Aklan.

Bagay na sa isinagawang mga public hearing, marami sa mga taxpayers lalo na sa isla ng Boracay at bayan ng Malay ang umapela at tumutol.

Anila hindi ito maituturing na batayan upang itaas sa 200 hanggang 300 porsiyento ang bayarin sa buwis.

Una namang ipinaliwanag ni Provincial Assessor Kokoy Soguilon na nakasaad sa Section 219 ng Local Government Code o base sa Republic Act No. 7160, na dapat magkaroon ng General Tax Revision of Real Properties ang local na pamahalaan kada tatlong taon.

Dagdag pa nito na ang mga buwis na manggagaling sa mga real properties base sa isinasaad ng bagong Base Market Values ay mapupunta sa Special Education Fund (SEF) construction and repair of public buildings at marami pang iba.

Kaugnay nito nangako naman ang SP na kanilang pag-aaralang mabuti at ikokonsidera ang hinaing ng mga nasabing tax payers.

No comments:

Post a Comment