Pages

Tuesday, March 04, 2014

HRP Boracay, nagpaalala kaugnay sa pagdiriwang ng Ash Wednesday bukas

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Bawal muna ang kumain ng karne bukas.

Ito ang paalala ni Father Nonoy Crisostomo ng HRP o Holy Rosary Parish Boracay, kaugnay sa pagdiriwang ng Ash Wednesday o mas kilala sa local dialect na Miyerkules –Badlis.

Bukas na rin kasi magsisimula ang panahon ng Kuwaresma o Lenten Season.

Para sa lahat ng Kristiyano at mga magiging Kristiyano, panahon ng paglilinis, pagtalikod sa kasalanan at pagtatalaga ng sarili upang mamuhay ayon sa aral ni Kristo ang Kuwaresma.

Samantala, ayon kay Father Nonoy, isang mahalagang araw ng fasting and abstinence ang Ash Wednesday kung saan pinapayuhan ang lahat ng mga mananampalatayang Katoliko na umiwas muna sa pagkain ng karne, kung maaari sa buong araw.

Higit sa lahat, ipinapaalala din ng nasabing selebrasyon na tayo’y makasalanan at kailangang magsisi, sa pamamagitan ng pagpapalagay o pagpapahid ng abo sa noo.

Magkaganon paman, sinabi ni Father Nonoy na maaari namang gumawa ng charitable works katulad ng pagtulong sa kapwa, sakaling hindi talaga napigilang kumain ng karne.

Kaugnay nito, gaganapin bukas ng alas 6:30 ang Ash Wednesday Mass sa mismong simbahan ng HRP Boracay, habang parehong alas 7:30 ng umaga rin ang misa sa Barangay Yapak at Manoc-manoc Chapels.

May pagkakataon namang makadalo sa misa ang mga mananampalatayang hindi nakasimba sa umaga, sa pamamagitan ng Novena Mass sa alas 5:00 ng hapon.

No comments:

Post a Comment