Pages

Tuesday, March 11, 2014

2 magkasintahan na Russian nationals, umano’y ninakawan sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dumulog sa Boracay PNP Station ang dalawang Russian national matapos na di umano’y nakawan ng mahigit 1 thousand US Dollars at 150 Euro sa Boracay.

Ayon sa report ng Boracay PNP Station, humingi ng tulong ang dalawang Russian national na nakilala bilang sina Dmetrii Shashurin, 33- anyos at Elena Chernova, 22- anyos.

Base umano sa kanilang salaysay, hapon nitong linggo nang bumalik ang magkasintahan sa kanilang kwarto sa isang tinutuluyang resort matapos na mamasyal sa isla, nang kunin di umano ni Ms. Chernova ang kanyang wallet na nakalagay sa isang travelling bag ay nawawala na ang kanilang pera.

Subalit sa isinagawa namang follow-up operation ng mga kapulisan, lumalabas sa imbestigasyon na ang nasabing travelling bag na pinaglagyan ng wallet ay naka-padlock at wala ring nakitang senyales na pwersahan itong binuksan.

Kaya’t ayon sa mga pulis na nag-imbestiga sa kaso ay napaka-imposible di umano na mayroong nangyaring pagnanakaw.

Samantala, dagdag pa ng may-ari ng nasabing resort dala-dala di umano ng dalawang turista ang susi ng kanilang kwarto at nakapagbayad na ito ng renta taliwas sa kanilang sinabi sa mga pulis na hindi pa umano ang mga ito nakakapagbayad.

Inilagay naman ang nasabing pangyayari sa blotter report ng mga taga Boracay PNP Station bilang record hinggil sa mga turistang sumasangguni ng kanilang mga nawawalang gamit na walang katotohanan upang magkaroon ng certificate of issuance galing sa mga pulis.

Nabatid na kapag nabigyan kasi umano sila ng nasabing sertipikasyon ay ibinabalik sa kanila ng kanilang bansa ang mga nawawalang gamit habang nasa isang bakasyon.

No comments:

Post a Comment