Pages

Wednesday, February 26, 2014

Mga traysikel driver sa Boracay, tadtad na ng seminar, ngunit pasaway parin ang ilan

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nagbabayad naman kami, pero bakit hindi sila nagpapasakay?

Ito ang dismayadong tanong ng isang ginang sa aming himpilan nitong umaga, habang inire-reklamo ang mga traysikel na umano’y hindi nagpapasakay sa kanilang mga anak na estudyante.

Ayon kay Aling Nene, hindi totoong pangalan, mga limang traysikel na ang kanilang pinapara sa loob ng mahigit-kumulang kalahating oras, subali’t namimili umano ang mga ito ng pasahero.

Nag-alala tuloy ito kanina na baka ma-late sa klase ang kanyang mga anak.

Kaya naman hiniling nito sa mga traysikel driver na gawin ang kanilang obligasyon at huwag mamili ng pasahero.

Samantala, aminado naman tungkol dito si BLTMPC o Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative General Manager Ryan Tubi.

Sinabi nito sa kanyang text message na tadtad na sa seminar ang kanilang mga drayber pati na ang mga may-ari ng traysikel, subali’t hindi parin nagbabago ang iba.

Ayon naman kay Boracay PNP Chief PSInspector Mark Evan Salvo, isasabay nya sa briefing ng mga idi-deploy na pulis sa mainroad ang tungkol sa bagay na ito upang mapaalalahanan ang mga nasabing driver.

Hinimok din nito ang publiko na idulog sa kanilang himpilan ang reklamo tungkol sa mga driver na namimili o hindi nagpapasakay ng pasahero para sa karampatang aksyon.

No comments:

Post a Comment