Pages

Tuesday, December 10, 2013

Sobrang singil ng mga traysikel driver, ikinadismaya ng SB Malay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ikinadismaya ng Sangguniang Bayan (SB) Malay ang di umano’y pananamantala ng mga traysikel driver.

Ito’y matapos na sabihin ni SB Member Rowen Aguirre sa kanyang privilege speech sa SB session kaninang umaga, na maging sya mismo ay nakasaksi hinggil sa sobrang singil ng isang driver sa isang pasahero sa Cagban Jetty Port.

Ikinuwento nito na habang papunta sya sa SB Session Hall ay meron itong nakasabayang lokal tourist na siningil ng nasabing driver ng 100 pesos sa halip na 15 pesos na regular rate.

Agad naman umanong sinita ng konsehal ang nasabing driver, kinuha ang body number ng kanyang traysikel at inireport sa BLTMPC.

Plano naman ngayon ni SB Member Aguirre na magsumite rin ng report sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mabigyan ng leksyon ang mga ganitong klaseng driver.

Nagsuhestiyon naman ang ilang SB member na dalhin at ireport sa police station ang mga driver na lumalabag sa batas.

Ang mga ganitong aktwasyon ay nakakasira umano sa turismo ng isla lalo pa’t isa sila sa mga itinuturing na public utilities.

Samantala, maliban kay Aguirre ay nadismaya din sina SB member Natalie Paderes at SB member Floribar Bautista, dahil maging sila mismo ay nakasaksi at nabiktima din umano ng mga mapagsamantalang driver.

No comments:

Post a Comment