Pages

Tuesday, December 17, 2013

Pasko sa Boracay, may liwanag na ang mga bahay

Ni: Mackie Pajarillo, Yes FM Boracay

May liwanag na ang mga bahay sa buong isla ng Boracay bago sumapit ang kapaskuhan.

Ito ang magandang balita na ipinaabot ni Engr. Joel Martinez, Assistant General Manager for Engineering Department ng Aklan Electric Cooperative o AKELCO, kaugnay sa pagkakaroon na normal na suplay ng kuryente sa lalawigan nitong nagdaang Sabado.

Kinumpirma kasi ni Martinez na halos isang daang porsiyento na rin ng suplay ng kuryente ang naibabalik na ngayon sa normal sa isla.

Aniya, hindi na dapat mag-alburuto ang mga residente sa isla, dahil siniguro nito na bago mag-pasko ay may mga power supply na ang mga households at business establishments sa isla.

Samantala, sinabi din ni Martinez na susubukan nilang mabigyan din ng power supply ang mga taga Caticlan, Malay at Buruanga bago sumapit ang kapaskuhan.

Hanggang ngayon umano kasi ay marami pa silang linya na dapat ayusin doon.

Nanawagan din si Martinez sa mga member consumer ng AKELCO sa isla, na sakaling magkaroon pa rin ng problema sa power supply sa kanilang lugar ay maaari lamang sumangguni sa tanggapan ng AKELCO sa Tambisaan Sub Station para matugunan agad ang problema.

Matatandaan na nawala ang kuryente sa buong probinsya ng Aklan matapos humagupit ang super typhoon Yolanda mahigit isang buwan na ang nakakaraan.

No comments:

Post a Comment