Pages

Thursday, December 19, 2013

Pagpasok ng mga heavy equipment sa Boracay hindi lahat dumadaan sa Transportation Office

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hindi lahat ng mga heavy equipment na pumapasok sa isla ng Boracay ay dumadaan sa Malay Transportation office (MTO).

Ito’y matapos na madiskubre ang mga nakapasok na umano’y ilegal construction equipments sa isla nitong nakaraang Huwebes.

Ayon kasi kay Malay Transportation Officer Cezar Oczon, may mga kumukuha din ng permit sa mayor’s office ng LGU Malay para pahintulutang maipasok sa Boracay ang kanilang equipments.

Sa kabilang banda, sinabi ni Oczon na ilegal ang pagpasok ng mga sasakyan kung halimbawang ang sampu rito ay kukuhaan ng permit at sasamahan ng mga walang permit.

Dagdag pa nito ang mga permit na kanilang ibinigay ay kinakailangang mag-operate lang sa loob mismo ng resort at higit na ipinagbabawal sa main road ng Boracay.

Maaari din umanong i-impound ng LGU Malay ang mga nasabing sasakyan kung hindi sila agad makakakuha ng permit at makabayad ng dalawang libo at limandaang pisong penalidad.

Samantala, sinabi ni Oczon na kaya naipasok ang mga heavy equipment sa isla nitong Huwebes ay dahil sa minamadali na umano ang pagpapagawa ng gusali sa New Coast Boracay.

No comments:

Post a Comment