Pages

Saturday, December 28, 2013

Mga prutas, paingay at paputok para sa New Year, nagsisimula nang ibenta sa isla ng Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagsimula nang magbenta sa isla ng Boracay ng mga kalakal para sa Bagong Taon tulad ng torotot, paputok, pailaw, bilog na prutas at mga laruan.

Mula sa P10 hanggang P35 ang presyo ng torotot depende sa laki at klase.

Normal pa rin ang presyuhan ng mga bilog na prutas tulad ng chico na P50 bawat kilo, melon na P35 kada piraso, malaking fuji apple na tatlo kada P50 at ang maliit naman ay apat sa P50, limang pirasong ponkan ay P100 at ang kiat-kiat na P50 kada bag.
Sa mga paputok, ang maliit na fountain ay P35, ang malaking fountain naman ay P80, ang tikoy firework ay P190, ang walis ay P200, baby rocket ay P80, lusis na tatlong bundle ay P100 at 7-shot special ay P2,500.

Mayroon ding nakitang ibinebentang bawal na paputok tulad ng Sinturon ni Hudas na P380.

Samantala, una namang ipinaalala ng Department of Health (DOH) na anumang paputok na mas mabilis sa tatlong segundo ang mitsa at may 0.2 grams o higit na pulbura ay mga kwalipikasyon para maisama sa listahan ng ipinagbabawal na paputok.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ay ang Super Lolo, Bawang (Large), Pla-pla, Watusi, Giant Whistle Bomb, Higad o Sawa, Atomic Bomb, Piccolo, Boga at may mga bago tulad ng Goodbye Philippines at Goodbye World at Napoles.

Ayon sa mga tindera, wala pang pagtaas sa presyo sa ngayon pero asahan na anilang sa mga susunod na araw lalo na sa bisperas ng Bagong Taon, tataas mula P5 hanggang P20 pa ang mga usong bilihin tuwing Bagong Taon.

No comments:

Post a Comment