Pages

Tuesday, December 03, 2013

HRP Boracay, nakahanda na para sa simbang gabi

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakahanda na para sa simbang gabi ang HRP o Holy Rosary Parish Boracay.

Katunayan, sinindihan na nitong Linggo ang isa sa apat na kandila sa advent wreath na inihanda ng simbahan, bilang hudyat sa pagsisimula ng tinatawag na adviento o pagdating ng mesias.

Ayon kay Father “Nonoy” Crisostomo ng HRP Boracay, sumisimbolo sa apat na Linggong paghihintay bago mag-Disyembre 25 ang mga nasabing kandila na kulay violet at pink.

Para umano sa taos-pusong pagbabago ang sinisimbolo ng kulay violet, habang sa masayang paghihintay naman sa pagsapit ng pasko ang kulay pink.

Sisindihan din ang iba pang kandila sa advent wreath sa bawat Linggong pinaglaanan nito.

Samantala, kinumpirma rin ni Father Nonoy ang iskedyul ng misa para sa nalalapit na simbang-gabi.

Gaganapin aniya tuwing alas kuwatro ng madaling araw ang misa, simula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre, bago magpasko.

Inaasahan namang dadagsain ng mga magsisipagsimba ang HRP Boracay dahil sa simbang gabi, kung kaya’t pinayuhan ni father Nonoy ang lahat na magdala ng sariling upuan o pumunta ng mas maaga.

No comments:

Post a Comment