Pages

Thursday, November 07, 2013

Gate sa Cagban Jetty Port ipinasara na sa mga pupuntang mainland

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Naglabas sa ngayon ng advisory ang Cagban Jetty Port na ipasara na ang gate papuntang mainland.

Ito ay para na rin umano sa kapakanan ng mga bibiyahe paalis ng isla bilang paghahanda sa papasok na bagyong Yolanda sa probinsya ng Aklan.

Ayon sa PAGASA, isa na ang probinsya sa ngayon sa mga ideneklarang signal no. 1 at kailangan na umanong alalayan ang publikong bibiyahe gamit ang Bangka.

Nabatid na alas otso pa lamang ay mahaba na ang pila sa nasabing jetty port at marami na ang mga gustong maka-uwi sa kani-kanilang mga lugar.

Gayunpaman, muling nagpaalala ang mga taga Philippine Coast Guard (PCG) na huwag mag-panic, sa halip ay panatilihing kalmado at paghandaan ang paparating na bagyo.

Samantala, aalamin pa ng mga taga PCG- Aklan kung ano ang magiging plano para sa mga na-stranded sa Cagban Jetty Port.

Sa ngayon ay patuloy paring naka-antabay ang mga otoridad sa mga posibleng mangyari na dulot ng paparating na bagyo.

No comments:

Post a Comment