Pages

Saturday, October 19, 2013

19 na bagong E-Trike sa Boracay, umarangkada na

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Umarangkada na ang 19 na bagong E-trike sa isla ng Boracay mula sa mga iba’t-ibang supplier sa bansa.

Ayon kay Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) General Manager Ryan Tubi, ito umano ay mula sa tatlong suppliers na kinabibilangan ng ELAIE Green Corporation, Tojo Motors Corporation at PROZZA.

Ayon sa kanilang data, meron nang pitong unit na galing sa una nitong supplier na ELAIE Green Corporation galing sa Antipolo at sampu naman sa bago nitong supplier na Tojo Motors Corporation mula sa Sta. Rosa Laguna.

Samantala, ayon pa kay Tubi, binigyan naman ng 15 araw ng Tojo ang BLTMPC para e-trial ang mga nasabing sasakyan kung sakaling meron man itong mga deperensya at may mga maaaring baguhin.

Matapos na ito ay masubukan ay ibibigay na umano ang mga ito sa mga myembro na nakapasa sa pagmamay-ari ng E-trike kung saan sila na ang magpapatakbo at magbabayad para dito.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Tubi na madadagdagan pa ang mga nasabing sasakyan sa mga susunod pang mga araw.

Kasalukuyan namang nakikita ngayon ang mga E-trike na pumapasada na sa mga kalsada sa isla.

No comments:

Post a Comment