Pages

Friday, September 06, 2013

Mga trasysikel drayber sa Boracay, Pinayuhang huwag pag-interesan ang gamit ng mga turista

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Mas magandang isauli kaysa pag-interesan.

Ito ang sinabi kahapon ni Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan, kaugnay sa pagkakarekober nila ng mga naiiwang cell phone ng mga turista mula sa ilang traysikel drayber sa Boracay.

Ayon kay Gentallan, mas makabubuting isauli na lang ng mga traysikel drayber ang mga naiiwang gamit ng kanilang mga pasahero, sa halip na angkinin ito.

Nakakadismaya pa umano kasi na kahit positibong itinuturo sila ng kanilang pasaherong turista ay itinatanggi pa ng mga ito ang naiiwang gamit sa kanilang trasysikel.

Dahil dito, pinayuhan ni Gentallan ang mga nasabing drayber na i-surrender at iparekord sa kanila ang mga naiiwang gamit ng mga pasahero.

Ayon pa kay Gentallan, ang sinumang nakapagsasauli ng mga naiiwang gamit ng mga turista ay binibigyan nila ng parangalan sa Joint Flag Raising Ceremony ng Boracay Action Group.

Napag-alamang isang drayber ang nahulog sa entrapment operation ng Boracay PNP nitong Miyerkules, matapos umano nitong humingi ng sampung libong piso kapalit ng naiwang cell phone ng isang Koreano sa kanyang traysikel.



No comments:

Post a Comment