Pages

Friday, September 20, 2013

Anti-Bullying Act, mahigpit na ipapatupad ng DepEd Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Matapos lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Anti-Bullying Act, tinitiyak naman ngayon ng Malay District office na mahigpit nila itong ipapatupad sa mga paaralan.

Ayon kay Malay Public District Supervisor Jessie S. Flores, nagpatawag sila ng PTA Meeting sa Yapak Elementary School nitong Setyembre a-singko upang talakayin ang nasabing usapin.

May mga hakbang naman umano silang ipapatupad kung sakaling may mga batang gagawa nito sa kanilang kapwa mag-aaral.

Kung sakali man umanong mangyari ito ay magtatakda ang principal ng paaralan ng kaukulang parusa at ipapatawag ang mga magulang ng batang masasangkot dito.

Sinabi pa nito na hindi naman hahayaan ng Malay District Office na mangyari ang Anti Bullying sa kanilang mga estudyante.

Nagpapasalamat naman si Flores, sa paglagda ni Pangulong Aquino sa Republic Act 10627 o ang “Anti-Bullying Act of 2013”.

Malaki umanong tulong ito at gabay sa mga mag-aaral na magkaroon sila ng takot na gumawa ng ikakasama nila sa kanilang kapwa.

Dagdag pa nito na kailangan ding ipaalam sa mga batang mag-aaral kung anong magiging parusa nila kung gagawin nila ito.

Samantala, pina-alalahan naman ni Flores ang mga magulang na palaging gabayan ang kanilang mga anak, lalo na kung may kahina hinalang itong pag-uugali kagaya ng pananahimik sa isang sulok at iba pa.

Mainam umanong kausapin ito ng masinsinan dahil baka ito ay na sasangkot sa bullying.

No comments:

Post a Comment