Pages

Wednesday, August 21, 2013

Mga front liners sa Boracay, isasailalim sa training para sa APEC

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Matagal-tagal pa bago ganapin ang Asia Pacific Economic Conference (APEC), ngunit ngayon pa lang ay may mga plano na ang Boracay para paghandaan ito.

Isa na dito ay ang pagpapatawag sa mga front liners ng isla para sa isang training.

Ayon kay DOT Boracay Officer in-Charge Tim Ticar, pinaplano na sa ngayon pa lang na ipunin ang mga nasabing front liners tulad ng mga drivers, vendors, at iba pa upang isailalim sa isang training.

Ito’y upang mabigyan sila ng impormasyon kung paano ang tamang pag-handle ng mga guests at ang mga protocol na dapat sundin, sakaling dito idaos ang APEC.

Sa isang pulong kamakailan lang ni Ticar kasama si Malay Mayor John Yap at iba pang mga tourism agencies ay pinag-uusapan na kung paano ito isasagawa.

Samantala, inamin naman ni Ticar na marami pang mga dapat gawin upang maging tuluyang handa ang Boracay para sa nasabing malakihang conference.

Ngunit hindi naman umano nagpapabaya ang pamahalaang probinsyal para sa mga preparasyon ginagawa para dito.

Sa katunayan, marami ang mga nagtutuon ng pansin sa isla para hindi ito masalaula at mapabayaan.

Kasabay nito ay muling nanawagan si Ticar sa lahat na makikipag-tulungan upang mapangalagaan ang isla.

Kung maaalala, ang isla ng Boracay ay isa sa mga lugar sa buong Pilipinas na pinagpipilian na pag-dausan ng APEC 2015.

Inaasahang nasa mahigit 500 mga delegado at media mula sa iba’t-ibang panig ng Asya ang dadalo sa nasabing pagtitipon.

No comments:

Post a Comment