Pages

Thursday, August 22, 2013

Korean national, nasagip mula sa pagkalunod ng Life Guard at Coast Guard Boracay

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Matagumpay na nailigtas ng mga miyembro ng Boracay Life Guard at Coast Guard ang isang Korean national na nabiktima ng lunod sa isang bahagi ng boat station 2 dito sa isla ng Boracay.

Kaninang alas 3:55 ng hapon nang masagip ang Korean national na kinilalang si Lee Sung Jin, 24 anyos.

Sa pahayag ni PO2nd Alan Herbero ng Coast Guard Boracay, hindi umano kinaya ng Koreano ang dalawang magkasunod na malalakas at malalaking alon kaya’t natangay umano ito ng water current.

Sa kabutihang palad ay may mga malapit na miyembro ng Life Guard sa nasabing area, sa katauhan nina Mark Ortega at Gregorio Maming, na agad namang rumesponde.

Nadala naman agad ang biktima sa ospital sa tulong ng mga miyembro ng Coast Guard na si PO2nd Chris Roldan at isang komisyuner na si Albert Pardo.

Ayon sa kumpirmasyon mula sa Don Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital,4:10 ng hapon nang dinala sa pagamutan ang nasabing Koreano.

May malay tao na ito at nasa maayos na kalagayan na, ngunit isasailalim pa rin sa obserbasyon sa loob ng 46 na oras.

Samantala, nagpaalala naman si Herbero sa mga maliligo sa dagat na dapat ay magkaroon ng ibayong pag-iingat lalo na at malakas ang alon.

Anya, dapat ay huwag maligo ng mag-isa.

Huwag ding lalayo ng masyado mula sa dalampasigan, at kung maaari ay huwag nang lumusong kung lampas baywang na ang tubig dahil maaaring tangayin ng daloy ng tubig.

No comments:

Post a Comment