Pages

Wednesday, August 14, 2013

Boracay, planong lagyan ng air ambulance

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Pinaplano na sa ngayon ng provincial government ng Aklan ang pagkakaroon ng air ambulance para sa Boracay.

Ito ang kinumpirma ni Department of Tourism Boracay officer in charge Tim Ticar.

Ayon kay Ticar, ang pagkakaroon ng air ambulance para sa isla ng Boracay ay upang mabigyan ng mas mabilis na transport service ang mga bisita at mga lokal na residente sa panahon na magkakaroon ng mga disgrasya o hindi inaasahang pangyayari sa mga ito.

Anya, kapag nagkaroon ng air ambulance ang isla ay maaari nang i-air lift ang mga pasyente papuntang Kalibo o Iloilo, o maging sa Maynila o Cebu, para sa mas mabilis na pagbibigay lunas sa mga ito.

Sinabi din ng opisyal ng DOT Boracay na ito ay ayon sa pangakong ibinigay ng pamahalaang probinsyal na may kaugnayan din sa binuksang paksa ni Aklan Cong. Teodorico Haresco Jr.

Sa ngayon ay hindi pa napag-uusapan kung anong klaseng sasakyang panghimpapawid ang planong gawing air ambulance, ngunit iginiit ni Ticar na dapat ay mayroon itong tamang pasilidad at sapat na kakayahan para sa mabisang pagdadala ng pasyente.

Samantala, sa kasalukuyan ay ang isla muna ng Boracay ang prayoridad ng proyektong ito, ngunit hindi din naman isinasang-tabi na magkaroon din ng air ambulance ang Kalibo.

No comments:

Post a Comment