Pages

Wednesday, July 03, 2013

Sinasabing pangmamaltrato sa K-9 unit sa Jetty Port, ipapa-alam sa kinauukulan kapag napatunayan --- Admin. Maquirang

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Ipagbibigay-alam umano sa kinauukulan kung mayroon mang pangmamaltratong nangyayari sa mga asong nasa K-9 unit sa jetty port.

Ito ang naging reaksyon ni Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang tungkol sa isang litrato na isinangguni ng isang concerned citizen sa himpilang ito.

Sa larawan na naka-post sa isang social networking site, makikita ang isang lalake na naka-suot ng itim na pang-itaas na makikita ang mga katagang "K-9 UNIT" at pinaniniwalaang handler ng aso.

Kasama sa larawan ang isang golden retriever labrador, isang uri ng aso, at ayon sa caption ay minamaltrato umano ito ng lalaking nabanggit.

Ang nasabing larawan ay ipinost noong ika-dalawampu't apat ng nakaraang buwan, 2013.

Ayon kay Maquirang, dalawa lang naman ang mayroong K-9 unit sa Caticlan Jetty Port.

Ang isa ay ang Philippine Coast Guard (PCG) na siyang nangangasiwa sa seguridad ng buong pantalan, kasama na ang mga sasakay sa RORO, ayon na din sa ipinatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA).

Ang isa naman ay hawak ng isang pribadong shipping company, bilang bahagi ng kanilang security.

Anya, iimbestigahan umano nila ang bagay na ito.

At kung totoo mang may pangmamaltrato sa mga K-9 ay agad nila itong irereport sa grupong in charge sa mapapabalitang inaabusong aso.

Dagdag pa ni Maquirang, kung naka-suot ng itim na pang-itaas ang nabanggit na lalake, malamang ay hindi ito miyembro ng PCG dahil orange ang uniporme ng mga ito.

Una nang umani ng pambabatikos ang litratong ito mula nang i-post sa social networking site kung saan ito ngayon makikita.

No comments:

Post a Comment