Pages

Thursday, July 11, 2013

Paglagay ng babala tungkol sa nangyayaring nakawan sa Boracay hindi na kailangan --- DOT

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Hindi na umano kailangang maglagay pa ng mga babala sa front beach dito sa isla ng Boracay.

Sa inihayag ni Department of Tourism Boracay Officer In-Charge Tim Ticar, sinabi nitong kung lalagyan pa ng mga babala katulad ng mag-ingat sa mandurukot ay lalabas lamang umanong talamak ang nakawan sa isla.

Aniya, dapat mismong ang mga turista ay maging mapagmatyag sa kanilang mga kagamitan lalo pa kung sila ay naliligo at iniiwan lamang ang mga gamit sa dalampasigan.

Sa ganitong paraan ay binibigyan lang din umano ng mga turista ng pagkakataon ang mga mandurukot na makalapit sa kanilang mga gamit na naiiwan sa dalampasigan sa oras ng kanilang pag-ligo ng mga ito sa dagat.

Hindi din aniya maiiwasan na mayroong masasamang loob na palakad-lakad sa dalampasigan sa mga panahong iyon at nagmamatyag sa mga turista.

Dagdag pa nito, kahit mayroong mga Municipal Auxiliary Police (MAP) at mga kapulisan ang nagbabantay sa front beach ay hindi din gaanong mapapansin ng mga ito kung may mga magnanakaw sa nasabing lugar.

Gayon pa man, dapat na mas paigtingin pa umano ng mga kapulisan ang seguridad ng mga turista para mabawasan at maiwasan ang nakawan sa Boracay.

Dagdag pa ni Ticar, may pumupunta din naman sa kanilang opisina na nagsusumbong na nawawala ang kanilang mga kagamitan.

Kung matatandaan ay madami rin ang naiulat na mga kaso na ang mga turista ay nagtutungo sa Boracay Tourist Assitance Center (BTAC) para ipa-record ang mga nawawala nilang mga gamit.

No comments:

Post a Comment