Pages

Tuesday, July 16, 2013

Mga batang sumasama sa Boracay beach clean-up, bida tuwing Sabado

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Mga batang edad tatlo hanggang apat na taong gulang sa Boracay, sumasama sa beach clean up? Why not?

Ito ang masayang ikinuwento ni Balabag Barangay Captain Lilibeth SacapaƱo, kaugnay sa mga batang masayang sumasali sa kanilang beach clean-up sa Boracay tuwing Sabado.

Ayon kay “Kap Lilibeth”, ang environmental awareness program na ito ay base sa Boracay Beach Management Program na kanila namang ipinagpatuloy.

Kung saan ang mga batang ito ay binibigyan nila ng mga T-shirt na kulay dilaw, bilang uniporme.

May mga stakeholders din umanong tumutulong sa kanilang aktibidad, katulad ng pagpapakain sa mga batang environmentalist pagkatapos ng clean up.

Ayon pa kay SacapaƱo, minsan ay umaabot sa tatlong daan o mahigit pang mga bata ang sumasama sa clean-up, na wala pa umanong alas sais ng umaga ay naroon na’t naghihintay sa Balabag Plaza.

Samantala, bitbit ang mga lalagyan ng basura, tila nag-uunahan pa umano ang mga nasabing bata sa pagpulot ng basura sa beach front ng Balabag.

Bagay na maging ang mga nakakasalubong nilang mga turista ay hanga rin sa kanila.

Kaugnay nito, nagpaanyaya naman si “Kap Lilibeth” sa mga bata at sa lahat na sumama sa kanilang aktibidad tuwing araw ng Sabado.

No comments:

Post a Comment