Pages

Monday, July 15, 2013

Dalawang OJT students sa Boracay, kalaboso matapos manuntok ng pulis

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Maaaring sa kulungan na ipagpapatuloy ng dalawang On the Job Training students ang kanilang pag-o-OJT matapos manuntok ng pulis sa Boracay nitong Linggo.

Ayon sa police report ng Boracay PNP, nasangkot sa isang komosyon sa isang disco bar sa station 2 Boracay ang dalawang suspek na sina Miles Angel Sarmiento, 26-anyos at Belmar Spencer Cosalan, 23-anyos at pawang mga estudyante ng University of Baguio.

Dahil sa tinamong pinsala sa katawan ng mga suspek ay isinugod ang mga ito sa ospital.

Subali’t nang payuhan umano ang mga ito ng mga rumespondeng pulis na sumama sa presento ay nagsisisigaw ang mga ito.

Sinasabing habang ang suspek na si Sarmiento ay nagmumura at nanghahamon ng away sa mga pulis, ay kinukunan naman ito ng video ng kanyang kasamang si Cosalan.

Samantala, hinablot din umano ni Sarmiento ang pulis na si PO1 Mabazza na nakaupo sa likuran ng patrol.

Binalaan naman ni Mabazza ang suspek na tumigil na sa kanyang pagwawala, subali’t sinuntok pa nito ang nasabing pulis.

Nakaiwas naman si Mabazza sa suntok, subali’t itinulak naman ito ni Sarmiento at tumakas kasama ni Cosalan.

Hindi na nakatakas ang dalawa matapos masakote ng iba pang taga-Boracay PNP.

Nahaharap naman sa kasong Direct Assault, Serious Disobedience, Resistance Upon Agent Person in Authority ang mga nasabing estudyante.

No comments:

Post a Comment