Pages

Tuesday, July 23, 2013

COMELEC Malay, dinagsa sa unang araw ng voter’s registration para sa barangay at SK election

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

“Hanggang alas otso pa ako ng gabi rito”.

Ito ang nakangiting sinabi ni Malay COMELEC Election Officer II Elma Cahilig sa kabila ng mahabang pila ng mga tao sa labas ng kanyang opisina.

Kahapon kasi ay ang unang araw ng pagtanggap COMELEC o Commission on Elections ng mga magpaparehistro para sa barangay at SK election.

Ayon kay Cahilig, maliban sa mga pumipila para sa transfer of registration, may mga nagpaparehistro din para sa mga miyembro ng Katipunan ng mga Kabataan.

At bagama’t sinabi nito na “OK” naman ang naging sitwasyon ng pagpaparehistro kahapon, muli namang ipinaalala ni Cahilig ang pagdadala dapat ng mga dokumentong hinihingi ng COMELEC, katulad ng valid IDs, certificate of live birth, at baptismal certificate.

Ito’y dahil ang ibang mga magpapalista kahapon ay wala umanong maipakitang requirements.

At kahit hanggang alas-singko lang dapat ng hapon ang kanilang opisina, minarapat nitong tapusin ang pagtatala ng mga magpaparehistro hanggang alas-otos ng gabi.

Magkaganoon pa man, nakangiti nitong sinabi na siyam na araw na lang at matatapos din ang registration.

Ang registration para sa barangay elections at Katipunan ng mga Kabataan ay sinimulan kahapon at magtatapos sa ika-31 ng buwang ito.

No comments:

Post a Comment