Pages

Wednesday, June 26, 2013

Mga pulis sa Boracay, magbibisikleta na!

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Mga nagbibisikletang pulis na ang makikita sa Boracay sa susunod na buwan.

Ayon kay Sr. Insp. Joefer Cabural, ito na ang gagamitin ng ilang mga kapulisan dito sa isla simula sa Hulyo a-singko ng taong kasalukuyan.

Ito’y kapag pormal nang nai-turn over ang dalawampung unit ng bisikleta sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) mula sa Philippine National Police (PNP).

Anya, sakto lang ito dahil hindi naman kaila sa kanila na kailangan pa nga nilang maghintay na makabalik ang kanilang service vehicle para makapag-responde sa iba pang tawag sa kanila.

At kahit umano meron na silang dalawang sasakyan ay kailangan pa ring i-konsidera na makitid lang ang mga daanan dito sa isla.

Kaya’t tamang-tama umano ang bagong programa ng PNP na magkaroon ng “Patrol 2013” kung saan isa sa mga konseptong nakapaloob dito ay ang pag-gamit ng mga bisikleta o ang “Bicycle Patrol” para mas mabilis at mas maging visible ang mga kapulisan.

Kaugnay nito, dalawampung miyembro na ng BTAC ang sumailalim sa “Bicycle Training”, dalawang linggo na ang nakakalipas, na ginanap sa Camp Delgado sa Iloilo City.

Ito ang pinaka-unang batch ng training para sa bagong programang ito ng PNP, at ang unang pokus nito ay ang Western Visayas, partikular na sa tourist destination na Boracay Island.

Samantala, kinumpirma naman ni Cabural na may dalawang service vehicles na naidagdag sa mga una nang ginagamit ng Boracay PNP.

Ito ay ang multicab na ibinigay ng isang pribadong kompanya sa tulong na rin ni Malay Mayor John Yap.

Nauna na ring nag-turn over ng isang unit ng jeep ang Aklan Police Provincial Office (APPO) na ngayon naman ay ipinapaayos na ni Commodore Leonard Tirol upang magamit din sa pag-responde sa mga krimen dito sa Boracay.

No comments:

Post a Comment