Pages

Friday, June 28, 2013

Mga bakasyunistang Taiwanese, inaasahang babalik na sa Boracay

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Inaasahang muling magbabalik sa normal ang biyahe ng mga Taiwanese papuntang Pilipinas partikular na sa mga tourist spots sa bansa katulad ng isla ng Boracay.

Ito ay matapos ang isang buwan na imbestigasyon kaugnay sa nangyaring pagpatay ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang mangingisdang Taiwanese noong Mayo a-9, taong kasalukuyan, ay naihain na rin ang parusa laban sa naturang miyembro ng PCG.

Matatandaang una nang inihayag ni Department of Tourism officer-in-charge Tim Ticar na nabawasan ang mga turistang Taiwanese na nagbabakasyon sa isla dahil sa marami umanong mga nakanselang flights, gayon din sa mga hotels na tutuluyan sana ng mga ito, dahil na rin sa travel ban na ikinasa ng bansang Taiwan dulot ng naturang pangyayari.

Bagama’t sa ngayon, ayon kay Ticar, ay wala pa umanong opisyal na impormasyon na natatanggap ang DOT hinggil sa muling pagbabalik ng mga Taiwanese sa isla.

Ngunit positibo itong babalik rin sa dati ang bilang ng mga ito partikular na ang muling pagbisita sa isla ng Boracay.

No comments:

Post a Comment