Pages

Thursday, June 27, 2013

Engr. Elizer Casidsid, pamumunuan ang pagsuyod ng ibinuong task force on mandatory sewer connection

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Pamumunuan ni Engr. Elizer Casidsid ng Municipal Engineering Office ang task force na tututok sa mga suliranin hinggil sa sewer system at drainage sa Boracay sa susunod na buwan ng Hulyo taong kasalukuyan.

Inatasan kasi ng alkalde ng Malay na si Mayor John Yap si Casidsid katuwang si Engr. Ben Manosca, COO ng BIWC, para tugunan ang problema sa mga hindi nakakonekta sa sewerage system na siya namang nakikitang dahilan ng mga pag-apaw ng waste water sa mga kakalsadahin at mababaw na area sa Boracay.

Una rito, nagpatawag si Manosca ng pulong sa mga miyembro ng task force na kinabibilangan ng mga lider sa mga departamento ng LGU-Malay kasama ang DOT-Boracay at DENR.

Layunin ng ibinuong task force ay susuyurin ang buong Boracay para alamin ang mga hindi pa nakapag-konekta sa sewer line o sewerage system at paalalahanan na kailangan nitong tumalima alinsunod sa ordinansa.

Ang Municipal Ordinance No. 297 series of 2011, ang magiging armas ni Engr. Casidsid kasama ang miyembro nito para obligahin ang isang establisyemento, gusali at kabahayan para mag konekta sa sewerage system.

Ani Casidsid, may proseso na susundin pero ang mga hindi naka-konekta sa gagawing inspeksyon ay papatawan kaagad ng Notice of Violation at kailangan nitong dumalo sa isang hearing para magpaliwanag.

Ang mga hindi makadalo sa hearing ay agad namang papatawan ng penalidad at posibleng i-endorso sa alkalde na kanselahin o tatanggalan ng Business Permit base sa nakasaad sa ordinansa.

Gagawin ang ganitong aktibidad ng Task Force sa loob ng tatlong buwan simula Hulyo a-10 ng taong kasalukuyan.

Samantala, naniniwala naman si BFI President Dionisio Salme na magkakaroon ng magandang resulta ang gagawing hakbang ng LGU-Malay.

Dagdag pa nito, paalalahan ang mga lumalabag na may kontribusyon sila sa mga nangyayari sa Isla ng Boracay ng sa ganoon ay susunod sila para sa kapakanan ng lahat.

No comments:

Post a Comment