Pages

Thursday, May 02, 2013

Mga empleyado sa Aklan, hindi pwedeng tanggalin dahil lang sa eleksiyon!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Binalaan ng Comlec Aklan ang mga pulitikong huwag gamitin ang kanilang posiyon para mag-tanggal ng empleyado na hindi sumusuporta sa kanilang kandidatura.

Ayon kay Getulio Esto ng Comelec Aklan, ang paalala nito sa mga kandidato ay hindi lamang para sa proteksiyon sa mga empleyado sa gobyerno lalo na sa mga munisipalidad, kundi pati na rin sa pribadong mga establishemento sa probinsiya.

Sapagkat klaro umano sa batas na ipinagbabawal ang pagpilit sa isang tao na sila ang iboto lalo na kung may kapalit, gaya ng pag-aalok ng trabaho o kaya ay pag-tanggal sa trabaho na ang eleksiyon ang naging dahilan.

Aniya, kung contractual ang isang empleyado, pribado o pampubliko man, hindi basta-basta matatanggal ang mga ito sa trabaho na walang dahilan.

At ang usaping politiko o eleksiyon umano ay hindi na bahagi ng kontrata kaya hindi ito pwedeng maging rason para tanggalin sila sa trabaho.

Sapagkat ayon kay Esto, malalabag ang karapatan ng isang indibidwal na mamili ng kanilang lider.

Kaya pina-alalahanan nito ang mga pulitiko na mag-ingat sa pag-tanggal sa empleyado kung ang rason ay may kinalaman sa eleksiyon dahil paglabag ito sa Labor Code na ipinapatupad ng Department of Labor and Employment para sa mga nagtatrabaho sa pribadong establishemento at sa ipinapatupad na batas naman ng Civil Service para proteksiyon ang mga empleyado ng gobyerno.

No comments:

Post a Comment