Pages

Wednesday, April 03, 2013

SB Member Dante Pagsugiron, naghahabol ng “legacy” sa pagtatapos ng termino?


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Bagamat pabiro, mistulang naghahabol na nga talaga ng “legacy” si Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron sa pagtatapos ng kaniyang termino.

Bagay na binanggit nito sa regular session ng SB kahapon ng umaga, kahit na pabiro, na umano ay minamadali na nito ang ilang panukalang siya ang may akda gayong matatapos na ang kaniyang ika-3 termino.

Ito ay upang may maiwan umano siyang legasiya sa kaniyang pag-upo bilang konsehal sa Malay.

Una nang sinabi ni Pagsugiron na nais nitong maihabol ang implementasyon ng electric tricycle o e-trike sa Boracay bago pa man siya mag-retiro ngayong Hunyo.

Binangit din nito kahapon sa sesyon na nais niyang ma-aprubahan na sana ang Environmental Code ng Malay at Boracay kaya minamadali na nito ang deliberasyon at pagsasa-ayos sa mga kulang para lubusan na itong maipasa.

Bagamat naging tampulan ng tukso ng kapwa konsehal si Pagsugiron kahapon ng umaga, pinanindigan nito ang kaniyang pahayag na nais niyang mag-iwan ng legacy o pamana sa bayan, at patunay dito ay ang mga resolusyon, ordinansa at proyekto na isinulong nito.

Maging ang mga development na siya ang nagpresenta gaya ng posibilidad na pagkakaroon ng underground tunnel sa Boracay ay nais na rin nitong ma-update, pati ang estado ng proyektong Artificial Reef ng Sangkalikasan Cooperative sa Boracay.

Sa kasalukuyan kasi, sa mga konsehal ng Malay si Pagsugiron lamang ang “graduate” na dahil tapos na ang kaniyang termino, habang ang lahat ng kasama nitong konsehal ay muling magpapapili sa May 13, 2013 elections. 

No comments:

Post a Comment