Pages

Thursday, April 18, 2013

SB Malay tila wala ng tiwala sa ECC ng DENR!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Kahit na mismong ang PetroGreen Energy Corporation na ang nagsasabing may ECC na sila mula sa DENR para sa Nabas-Malay Wind Power Plant.

Pero tila diskumpiyado pa rin ngayon si Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre na wala nga talagang epekto ang mga wind turbine na ilalagay sa Nabas at ang iba naman ay sa Barangay Napaan, Malay.

Sapagkat ayon kay Aguirre, minsan na rin umanong nagka-problema ang isang proyekto dito na nabigyan na ng Environmental Compliance Certificate o ECC ng DENR.

Ngunit kinuwestiyon ito ng mga stakeholders sa epekto na maaaring madala nito sa kapaligiran.

Tinukoy ng konsehal ang proyektong reklamasyon sa Caticlan, na ipinatigil ngayon dahil sa isyu may kinalaman sa environment at ang bagay na ito ang ayaw nilang maulit pa.

Kaugnay nito, kinuwestiyon din ni SB Member Jupiter Gallenero ang mga representante ng PetroGreen Energy na dumalo sa isinagawang sesyon ng konseho noong ika-16 ng Abril para manghingi ng pag-endorso sa konseho para sa proyekto, na kung ang 25 wind turbines ba ay hindi makaka-epekto sa operasyon ng Boracay Airport na halos malapit lang din sa balak na paglatagan ng energy wind farm na ito.

Pero ipinagdiinan ng isa sa representante ng kumpanya na si Marivic Oliver na batay umano sa mga pag-aaral na ginawa na nila, hindi ito makakasagabal sa mga eroplano doon.

Ang wind power plant ay planong ilagay bundok na sakop ng Nabas at Malay area na siyang magpo-produce ng enerhiya mula sa mga turbines na maaaring i-supply sa buong isla ng Panay hindi lamang dito sa Nabas, Malay at Boracay.

No comments:

Post a Comment