Pages

Wednesday, March 06, 2013

Pagpatay sa Ati Spokesperson, kinondena ng SB Malay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagama’t nailibing na nitong Sabado, Marso a-dos taong kasalukuyan, kahapon ng umaga ay nagpahabol ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Malay na nagkokondena sa pagpatay sa spokesperson ng Ati Community sa isla na si Dexter Condez.

Sa resolusyong ipinasa nitong umaga, walang gatol at pagtutol mula sa mga miyembro ng Konseho nang ipasa ng SB ang pagpapahayag nila ng simpatiya sa mga katutubong Ati dala ng pangyayari.

Ayon sa may akda ng resolusyon na si SB Member Rowen Aguirre, labis nilang ikinalulungkot ang pangyayari na kailangan pa umanong magbuwis ng buhay dahil lang sa lupa.

Kalakip din ng resolusyon, inaprubahan ng SB ang kanilang rekomendasyon sa Kapulisan na magkaroon ang otoridad ng masusing imbestigasyon upang mapanagot ang salarin.

Kung maalala, si Condez ay binaril nitong nagdaang Pebrero a bente-dos, na ikinamatay ng biktima kung saan ang tinututukang motibo ay ang agawan di-umano sa lupa sa Boracay.

No comments:

Post a Comment