Pages

Saturday, March 02, 2013

Itinuturong gunman sa pagpatay sa spokesperson ng Ati Community sa Boracay, itinanggi ang paratang


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Habang nagluluksa ang buong Ati Community sa Boracay dahil sa pagpaslang sa kanilang spokesperson na si Dexter Condez, pagkatapos ng libing nito nitong umaga ay nagpalabas naman ng opisyal na pahayag ang abogado ng Crown Regency Resort na siyang mistulang itinuturo umano ngayon na may motibo sa pamamaslang sa nasabing katutubo.

Sa presscon na ipinatawag ng nasabing resort, mariin nilang itinatanggi na may kinalaman sila sa pagpapatay kay Condez.

Dahil kung agawan umano sa lupa ang rason, wala umano silang isyu sa Ati Community, gayong hindi bahagi ng lupang nabili nila ang kinatitirikan ng bahay ng mga Ati.

Dahil may tatlo pa umanong claimants ng lupang ito na ibinigay ng pamahalaan sa mga katutubo, ayon kay Atty. Deolito Alvares.

Ginawa umano nila ang pahayag na iyon, dahil nakaladkad na ang pangalan ng kanilang resort sa pamamarilna ikinasawi ni Condez na nangyari noong ika-22 ng Pebrero.

Kasabay nito, iniharap din sa media ni Alvares ang tinuturong suspek sa pamamaril upang malinaw din umano ang pangalan nito, kasabay ng pagtatangging may kinalaman din ito sa insidente.

Ang itinuturong suspek ay guwardiya ng nasabing resort hanggang sa ngayon na si Daniel Celestino.

Hinamon naman ni Alvares ang mga tumatayong saksi sa insidente na sumailalim ang mga ito sa lie detector test kasama ang suspek upang mapatunayan kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Tinawag naman ng abogado na “fabricated” o gawa-gawa lamang umano ang paratang laban sa kanila at maging sa suspek.

Una rito, duda na ang Simbahang Katolika sa Boracay na posibleng agawan sa lupa ang rason ng pagpaslang kay Condez, na siyang motibo naman na tinututukan ng pulisya sa ngayon.

No comments:

Post a Comment