Pages

Tuesday, March 26, 2013

Chinese national, nabiktima ng pagnanakaw sa unang araw ng kuwaresma sa Boracay


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Lunes na araw pa lang kahapon na siyang ikalawang araw ng kuwaresma, subali’t nagmistulang Biyernes Santo na ang sinapit ng isang turista, matapos mabiktima ng pagnanakaw sa barangay Balabag, Boracay kahapon.

Nasa paliligo kasi sa station 1 beach front ang kuwarenta’y uno anyos na Chinese national nang mangyari ang insidente.

Sa report ng Boracay PNP, nabatid na iniwan ng biktima ang kanyang bag sa tabi ng kanyang asawa upang maligo.

Makalipas umano ang dalawampung minuto, nang marinig nito ang kanyang asawa na nasisisigaw sa itinuturong umano’y tumangay ng kanyang bag.

Dahilan upang umahon ito sa tubig para habulin ang suspek, na napansin naman ng dalawang pulis na naroon malapit sa lugar.

Nagmistula namang habulan sa pelikula ang sumunod na eksina, nang makita ng mga itong hinahabol din ng mga tao doon ang kawatan.

Nang maabutan ng taumbayan at mga tambay doon ay binugbog ng mga ito ang bente sais anyos na suspek na nakilalang si Mark Anthony Castillo ng San Jose Antique.

Kaagad namang naaresto ng mga pulis ang suspek kung saan narekober ang bag ng biktima na naglalaman ng tatlong camera, flashlight, sling bag na naglalaman ng wallet na may tres mil pesos, credit card, visa card, cell phone at sunglass.

Samantala, ikinostodiya naman ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.

No comments:

Post a Comment