Pages

Monday, February 25, 2013

Pagtanggap ng Boracay sa pagbisita ng MS Columbus 2, ikinatuwa ng DOT


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng DOT o Department of Tourism ang pagtanggap ng Boracay sa pagbisita ng MS Columbus 2 kahapon.

Sa panayam ng himpilang ito kay DOT officer in charge Tim Ticar, sinabi nito na maganda na ang reception o pagtanggap ng Boracay sa mga kahalintulad na pagbisita ng cruise ship.

Maliban kasi sa ginawang paghahanda ng isla, tila nasasanay na rin umano ang Boracay kung papaano i-handle o harapin ang mga bumibisitang cruise ship dito.

Ilan sa mga halimbawang napansin umano ni Ticar ay ang maayos na pagsalubong kahapon ng mga ahensiyang nakatoka sa Cagban port.

Maging ang paghatid-sundo ng mga tender boats ng MS Columbus 2 sa kanilang mga pasahero papuntang Cagban ay wala din umanong naging problema.

Sinabi pa ni Ticar na ang mga pasaherong bumaba mula sa barko at namasyal sa Boracay ay magsisilbing taga “market” ng isla pagbalik sa kanilang lugar.

Ang mga pasaherong ito partikular na ang mga Europeans ang makapagsasabi umano kung gaano kaganda ang Pilipinas, ang pagiging hospitable ng mga Pilipino at kung gaano kaputi ang buhangin sa Boracay. 

Samantala, maliban sa pagpapaabot ng pasasalamat ng DOT sa mga nakibahagi sa matagumpay na pagbisita ng nasabing barko, kinumpirma din ni Ticar na sa darating na buwan ng Marso ay bibisita din dito ang isa pang cruise ship na MS Europa.

No comments:

Post a Comment