Pages

Saturday, February 16, 2013

E-trike, wala pang linaw kung kailan papasada sa Boracay


Kung nitong nagdaang taon ng 2012 ay masigasig at excited ang LGU Malay at BLTMPC dahil sa pagpasok ng e-trike sa Boracay, ngayong 2013 tila ang mga commuters naman ang nagsasawa na sa kakatanong kung nasaan na ang mga e-trike na ito na noong 2012 pa balak na umpisahang ipasada sa isla.

Ito ay kasunod ng sitwasyon na nararanasan ngayon sa Boracay na kinukulang na ang pampublikong sasakyan lalo na ngayong super peak season na, na tanging mga lokal na commuters o pasahero ang apektado dahil sa prayoridad ng mga tricycle driver ay ang mga turista.

Subalit gaya ng mga pasahero, maging ang LGU Malay at BLTMPC din ngayon ay nangangapa kung kailan ito mai-implenta sa isla.

Dahil sa panayam kay BLTMPC Board Of Director Enrique Gelito, maging sila sa kooperatiba ay hindi na alam kung kailan din ang eksaktong petsa na darating ang mga unit nila na para sa isla.

Pero sa pagkaka-alam umano nito ay nagpagawa na sila ng disenyo ng e-trike na akma para sa Boracay maliban pa sa tinaasan ang kapasidad ng unit para makaya ang mga matataas na lugar kumpara sa naunang nai-deliver sa kanilang nitong nagdaang taon.

Maging ang 100 unit na sasakyang de-kuryenteng ito ng LGU Malay ay hindi pa rin umano malalaman sa ngayon kung nasaan na at kailan darating sa Boracay ayon kay Sangguniang Bayan Member Wilbec Gelito, Committee Chairman ng Transportation.

Ito ay kahit na naglaan na umano ang LGU ng alokasyong P20-milyon bilang garantiya na natutuloy na ang implementasyon para mapalitan na ang mga tradisyunal na tricycle sa Boracay, lalo na at ang iba sa mga unit na ito ay sira-sira na rin.

Kung maaalala, taong 2011 pa sinimulang lutuin ang implementasyon ng e-trike at lalo nang uminit ang usapin na ito ng nagpahayag ang kooperatiba at maging ang LGU na bago magtapos ang 2012 ay masisimulan na itong ipatupad.

Pero hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin silang naghihintay, pati naang mga pasahero. #ecm022013

No comments:

Post a Comment