Pages

Tuesday, January 15, 2013

SP Aklan, nakapagpasa ng 341 resolusyon at 20 special ordinances para sa 2012


Sa kabila ng ingay, bangayan at patutsada ni Aklan Board Member Rodson Mayor sa Presiding Officer ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan at Vice Governor Gabrielle Calizo-Quimpo, ay matagumpay pa ring nakapagpasa ng mga ordinansa at resolusyon ang mga lokal na mambabatas ng Aklan sa pang-probinsiyang lebel.

Kung saan, sa loob ng buong taon ng 2012 ay umabot sa 44 regular sessions ang nagawa at nadaluhan ng mga Board Members.

Nagbunga naman ng 341 resolusyon, 5 general ordinances at 20 special ordinances ang kanilang mga sesyon.

Kasama sa mga ordinansang inaksiyunan at narebyu ng SP Aklan ay ang mga Municipal Budget and Development Plan ng 17 bayan sa probinsiya.

Ang pagpasa din ng 2013 budget ng Aklan nitong Disyembre ang isa sa ipinagmamalaki nilang natapos noong 2012.

Kahit  may pagtutol dito si Board Member Mayor lalo na sa ilang alokasyon para sa 2013 SP budget, naipasa pa rin ito ng mga kapwa Board Members makaraang patutsadahan nito ang Presiding Officer.

At nitong huli lamang ay nagsagawa ng Special Session para ideklara ang walong bayan ng Aklan na nasa ilalim ng State of Calamity dahil sa pananalantang ng bagyong Quinta.

Sa mga performance na ito ng SP, ang probinsiya ng Aklan ay naging 1st runner-up sa buong Region 6 sa Excel Awards ng Gawad Pamana ng Lahi nitong nagdaang taon. #ecm012013

No comments:

Post a Comment