Pages

Wednesday, January 16, 2013

Nalunod na Korean national sa Boracay, nailigtas ng ticket seller ng D’Mall


“Wala akong karanasan sa life saving. Pero dahil nakita kong may nangangailangan na ng tulong ay isinugal ko ang aking buhay.”

Ito ang sinabi ng isang ticket seller ng D’Mall na si Ian Antin, matapos nitong mailigtas ang isang nalulunod na Korean national kaninang madaling araw.

Sa eksklusibong panayam ng himpilang ito kay Ian, sinabi nitong lumabas mula sa D’Mall papuntang beach front ang biktima at ang kanyang kasamang babae, pasado alas dose ng hatinggabi kanina.

Nagkataon din umano kasing nagpapahangin ito doon at nakikipag-usap sa ilang company guards.

Nagulat na lamang umano si Ian nang biglang sumigaw ang biktima, na noong una’y inakala niyang dahil lamang sa sobrang “excited” ito sa dagat.

Subali’t nang makita nitong mabilis na tumakbo papuntang dagat sa harap ng D’Mall ang biktima ay bigla itong naalarma.

Lalo daw itong nabahala nang mapansin niyang ang naiwang kasama ng biktima ay umiiyak na.

Makalipas ang halos kalahating oras ay napansin na lamang umano nitong lumulutang na sa tubig ang biktima, kung kaya’t nagdesisyon na itong sumaklolo.

At dahil wala daw itong masyadong alam sa pagri-rescue ay kanya munang tiniyak kung gumagalaw pa ang babae.

Sa layong halos labing limang metro mula sa dalampasigan ay nakipaglaban umano si Ian sa malalakas na alon upang madala pabalik sa dalampasigan ang biktima.

Maya-maya’y nagsipagdatingan naman ang mga taga Boracay Response Team at binigyang lunas ang biktima, na nagkamalay din kaagad bago pa maisugod sa isang pagamutan.

Si Ian Antin ay isang ticket seller sa balloon wheel sa D’Mall of Boracay. #bd012013

No comments:

Post a Comment