Pages

Tuesday, January 08, 2013

LAHAT ng empleyado sa Boracay, dadaan na sa x-ray examination bago magka-Health Card

Lahat ng empleyado, food o non-food handler man, dito sa Boracay ay idadaan na sa X-ray examination bago magkaroon ng health certificate.

Ito ang nilinaw ni Babylyn Frondoza, sanitation inspector ng Municipal Health Office (MHO) sa Boracay.

Aniya, ngayon taon lamang ito sisimulang ipatupad kasabay ng pagproseso ng mga magre-renew ng business permit.

Kung saan nitong huling bahagi umano ng taon 2012 ay naging ganap na itong ordinansa ng bayan.

Bagamat matagal na umanong batas at nakasaad sa Sanitation Code, ngayon pa lamang ito ipapatupad sa Malay at Boracay dahil ngayon pa lamang din ito na-adopt at gawing lokal na batas.

Paliwanag nito, sumusunod lamang ang MHO sa inaprubahang ordinansa, na lahat ng empleyado sa isla ay sumailalim sa medikal na eksaminasyon gaya nito.

Bunsod nito, aasahan aniya na bago magkaroon ng health card ang mga empleyado, gaya ng waiter, mga nagbibenta ng pagkain, nag-o-opisina at maging ang mga tricycle driver ay dadaan muna sa x-ray examination, urine test at stool analysis.

Habang ang mga masahista at taga-tattoo naman sa Boracay ay dadaan din sa katulad na pag-susuri sa katawan, pero dagdag sa kanila ay hepa-B examination. #ecm102013

No comments:

Post a Comment