Pages

Thursday, December 06, 2012

Dahil sa hindi naisauling iPhone, mag live in partner sa Boracay, timbog sa entrapment operation


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

May  napulot ka bang bagay na hindi sa’yo?

Kung ganoon, mas makabubuting isauli mo ito ng maluwag sa puso.

Kung hindi, baka karmahin ka at ika’y makalaboso.

Ito ang sinapit ng diyes y otso at bente uno anyos na maglive in partner, matapos matimbog ng mga pulis Boracay sa isang entrapment operation kahapon ng hapon.

Ang siste, humingi umano ng trenta mil pisos ang lalaking suspek sa biktima, na isang general manager ng isang resort sa isla, kapalit ng kanyang iPhone.

Nabatid na bandang alas dos din kahapon ng hapon ay nagparekord sa Boracay PNP ang biktima tungkol sa kanyang nawawalang gadget.

Nawala umano ang kanyang iPhone nitong nagdaang Linggo ng madaling araw, nang pumasok ito sa isang disco bar.

Mabilis namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga otoridad, nang bumalik at muling magsumbong ang biktima sa himpilan ng pulis.

Sa nasabing pagkakataon, itinimbre ng biktima na may lumapit umano sa kanyang lalaki at humingi ng naturang halaga ng pera.

Sa nasabing operasyon ay tinanggap ng maglive in partner ang pera sa mismong opisina ng pinagtatrabahuang resort ng biktima.

Kaagad namang inaresto ang mga suspek at kasalukuyang nasa kostodiya ng Boracay PNP, para sa karampatang disposisyon.

Sa tinutuluyang boarding house naman ng mga suspek narekober ang Iphone ng nasabing manager. 

No comments:

Post a Comment