Pages

Saturday, September 29, 2012

Residuals sa mga MRF sa Boracay, hindi pa magalaw-galaw

Nakahanap na sana ng kontraktor ang Boracay Solid Waste Management Board ayon kay Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron para siyang maghakot ng mga residual na basura nakatambak ngayon sa Material Recovery Facilities (MRF) sa tatlong Baranggay sa isla.

Subalit ang problema sa kasalukuyan, hindi ito magalaw-galaw dahil siguradong mapupuno na umano at wala nang paglagyan ng mga basurang ito sa landfill ng Malay sa Brgy. Cabulihan.

Nabatid mula sa konsehal na may dalawang libong cubic meter pang ng residual sa MRF Yapak, pitong libo cubic meter sa Balabag at may tatlong libong cubic meter sa Manoc-manoc ang hindi pa nahahakot at ang iba dito ay noong nagdaang taon pa.

Bunsod nito, nababahala ang SB na kapag hindi ito na nahakot ay baka masira ang imahe ng Boracay dahil sa mga basurang ito.

Kaya nanghingi ng rekomendasyon si Pagsugiron kay Engr. Arnold Solano, Special Project Officer na siyang umaasikaso sa proyektong Land Fill, kung ano ang iba pang paraan para masulosyunan ang problemang ito sa Boracay, makaraang pumalpak ang P38 milyong landfill project.

Dahil sa problemang ito na nararanasan, posibleng magpasa nalang umano ang SB ng batas na taasan ang Environmental Fee dahil masyadong mahal din ang sulosyon sa mga basura sa isla.

Maliban dito, balak na rin nilang madaliin ang pagpasa ng ordinansa na nagre-regulate sa pag-gamit ng plastic bag at styropor sa isla at Mainland Malay ng sa ganoon ay mabawasan ang suliranin sa mga residuals.

Napasama na rin sa mga rekomendasyon ng SB na kung gagastos lang din ng milyong piso para sa ilang taong serbisyo ng landfill, bakit hindi nalang anila bumili ng makinarya upang  mapabilis na maubos ang basurang ito at mapakinabangan pa ang produkto mula sa mga basura.

Kaugnay nito, nilinaw ni Solano na hindi pa naman huli ang lahat, at pwede pang maayos ang sitwasyon ng proyekto, dahil hindi pa nakapagbayad gayong hindi pa na-release ng bangkong pinag-utangan ang pambayad na pera para sa kontraktor.

Kaya pwede pa nilang magipit ang kontraktor na ayusin ang landfill na naaayon sa orihinal na plano at disenyo. | ecm 092012

No comments:

Post a Comment