Pages

Monday, September 24, 2012

Negatibong komento hinggil sa isla, welcome! --- DoT Boracay

Aminado si Boracay Department of Tourism Officer In-Charges Tim Ticar na marami naman talagang problema ang Boracay, kaya kung may mga negatibong komento ang mga turista hinggil sa isla ay malugod naman nilang tinatanggap.

Ito ang reaksiyon ni Ticar kaugnay sa sulat na ipina-abot ng isang turistang English national na si John Blancard sa himpilang ito hinggil sa mga negatibong komento niya sa Boracay.

Lalo na nang sabihin nitong “pinaka-pangit” umanong tourist destination na napuntahan niya ang isla.

Kasabay nito ang banta na ipapakalat umano nito sa internet ang kaniyang nakitang sitwasyon dito at nag-rekomenda pang palitan ang namumuno sa Boracay ng may malasakit sa isla.

Nakasaad din sa sulat ni Blancard ang di umano ay napansing pangha-harass ng mga vendors at commissioner sa mga nagre-relax na turista sa front beach, nakakalat na mga basura at mangilan-ngilang basurahan, gayon din ang di umano’y mga restaurant na kulang sa kalinisan.

Pero ayon kay Ticar, tila sobra naman ang mga komento na ito ng nasabing turista, dahil sa totoo lang aniya ay may ginagawa naman aksiyon ang LGU ukol dito.

Ngunit nilinaw nito na may mga punto naman si Blancard sa kaniyang mga sinabi gayong may mga problema naman talaga ang isla.

Subalit welcome naman umano sa kanila ang mga komento katulad nito, dahil makakatulong naman para sa pagbibigay ng mga solusyon sa suliranin ng Boracay.

Kaugnay nito, hinikayat pa ni Ticar ang mga turista na magbigay ng kanilang mga komento, para sa pag-gawa umano ng action plan.

Samantala, ang mga komento umanong ito ng nasabing turista ay ipapaabot niya rin sa kinauukulan. | ecm092012

No comments:

Post a Comment