Pages

Monday, June 18, 2012

Retiradong sundalo na umano’y nagpaputok at nahulihan ng baril sa Hagdan, Yapak, kalaboso!


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Illegal discharge of firearm and direct assault upon an agent of authority.

Ito ang kasong kinakaharap ngayon ng isang retiradong sundalo, matapos umanong magpaputok at mahulihan ng baril sa bispera ng piyesta kagabi sa sitio Hagdan, barangay Yapak, Boracay.

Nabatid sa report ng Boracay PNP na habang nagbabantay para sa seguridad ng naturang okasyon ang mga pulis doon, nang makarinig umano ang mga ito ng dalawang putok ng baril.

Kaagad namang nirespondehan ng mga naalarmang otoridad ang insidente, kung kaya’t nakita nila sa di kalayuan ang retiradong sundalo na may hawak na baril.

Nagpakilala ang mga pulis at hinimok ang suspek na isuko ang baril, subali’t tinangka pa umano nitong tutukan ang mga ito ng kalibre kuwarenta’y singkong baril.

Hindi namalayan ng suspek na nasa likuran na pala nito ang isa pang pulis, at kaagad  tinangka itong dis-armahan.

Sa tulong ng iba pang mga kasamahan ay naaresto ang kurenta’y kuwatro anyos na suspek na kinalauna’y nakilalang si Retired Army Staff Sergeant Florencio Bitoon y Casidsid  ng Balusbos Malay, Aklan.

Samantala, kapag napatunayan na walang kaukulang dokumento ang narekober na baril mula sa suspek, ay maaari din umano itong sampahan ng kasong illegal possession of firearm. 

No comments:

Post a Comment