Pages

Tuesday, April 17, 2012

Mga Lokal na mangingisda sa Boracay, umalma dahil sa malabong ordinansa


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa kawalan umano ng supporting documents sa batas o Municipal Ordinance sa isla kaugnay sa pagbabawal mangisda sa front beach, umalma ngayon ang mga local na mangingisda sa bayan at isla.

Ito ang nilalaman ng ipinaabot na sulat ni Denrick Sadiasa, Aqua Culturist ng Municipal Agriculture Office, sa Sangguniang Bayan ng Malay na tinalakay sa sesyon ng konseho kahapon.

Nakapaloob sa sulat ang hinanakit ng mga mangingisda dahil sa hinuhuli umano ang mga ito ng awtoridad kapag sila’y nangisda sa front beach gayong wala naman umanong ipinapaliwanag at ipinapakita kung anong ordinansa ang nalabag ng mga ito.

Bunsod nito, hiling ni Sadiasa na sana ay mapag-usap din sila at ang may hawak ng Committee on Agriculture at Fisheries ng konseho upang maging malinaw ang tungkol sa bagay na ito.

Maging ang tungkol sa presensiya ng proyekto ng Sangkalikasan Cooperative ay kanila ding hiniling na linawin sa kanila.

Samantala, bilang tugon ng konseho sa ipina-abot ni Sadiasa, positibo namang sinabi ni SB Member Dante Pagsugiron, Chairman ng Committee on Environmental Protection, na handa siyang makipagpulong sa mga ito, dahil aminado itong tila hindi rin malinaw kung saang lugar ang inilaan para sa mga mangingisda dito. 

No comments:

Post a Comment