Pages

Thursday, March 15, 2012

Masangsang na amoy sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc, hindi naging hadlang sa isinagawang Clean-up Drive

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi alintana ng mga volunteer ang masangsang na amoy sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc para maging matagumpay ang clean up drive doon noong Marso 5.

Ito’y upang ihanda ang lugar na ito para pagtaniman ng mangroves nang sa gayon ay maipreserba, ma-rehabilitate at maprotektahan ang bahaging ito ng Boracay, lalo pa’t nabatid na balak ring isulong ang eco-tourism sa isla.

Ang paglilinis sa nasabing lugar ay inorganisa at pinangunahan ng LGU Malay, Philippine Chamber of Commerce (PCCI), sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), non-government organizations (NGOs), ang kapulisan, Red Cross, Coast Guard, Barangay Manoc-manoc, at marami pang iba.

Dahil dito, saku-sakong basura katulad ng plastic, bote, at iba pang nabubulok na basura ang nakolekta ng mga volunteers doon.

Samantala, labis-labis naman ang pasasalamat ni Mayor John Yap ng Malay sa Tan Yan Kee Foundation na siyang nagbigay ng pinansiyal na tulong para sa programang ito.

Ang Sitio Lugutan sa barangay Manoc-manoc ay inirereklamong mabahong lugar sa back beach ng Boracay, kung saan dito idinedispatsa ang mga dumi mula sa drainage ng Boracay.

No comments:

Post a Comment