Pages

Monday, March 26, 2012

Lodging House ng mga nagpapakalat ng pekeng pera sa Boracay, sinalakay ng mga pulis

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Tuluyan nang nasakote ng mga pulis ang mga suspek sa pagpapakalat ng pekeng pera sa Boracay.

Ito’y matapos salakayin ng pinagsanib na pwersa ng Boracay at Malay PNP ang tinutuluyang lodging house ng mga ito sa barangay Caticlan nitong araw ng Sabado.

Maliban kasi sa ikinanta ng naunang naarestong suspek ang mga kasama nito.

Natunugan din ng mga otoridad ang umano’y paparating pang kontrabando mula sa mga kasamahan ng suspek sa Iloilo.

Dahil dito, kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang mga taga Boracay Tourist Assistance Center, na nagresulta sa pagkakaaresto ng walo pa nitong mga kasamahan.

Kinilala ni Police Inspector Fidel Gentallan, deputy chief ng Boracay Police ang mga suspek na sina Ernesto Marcelino y Acosta alias Ching, ng Delgado Iloilo, Joseph Villanueva y Bayhon ng Bacolod City, Josie Marie Laurel y Bayhon ng San Mateo Rizal, Jerry Palerer y Billiones ng Sum-ag Bacolod City, Joseph Escuton y Marilao ng Calatrava, Negros Oriental, na naaresto sa mismong Caticlan Jetty Port.

Naaresto din ang iba pang mga kasamahan ng mga suspek na sina Julian Reboles Sr. y Baylen at Julian Reboles Jr. y Herrera ng Molo Iloilo, at Eddie Dubrea y Galicia ng Arevalo Iloilo.

Nabatid sa imbistigasyon ng mga pulis na mahigit isang taon na palang nanunuluyan sa nasabing lodging house doon ang mga suspek.

Sinasabing natutulog umano ang mga ito sa umaga at sa gabi gumagala upang isagawa ang modus operande.

Kung saan, pumupunta umano ang mga ito sa mga tindahan at bumibili gamit ang mga pekeng denominasyon ng pera.

Napag-alamang isa sa mga suspek na si Enrique Lastimoso ng Lambunao Iloilo ay natimbog ng mga sekyu sa D’mall of Boracay matapos bumili ng bulaklak doon gamit ang pekeng isanglibong piso, nitong nakaraang gabi ng Biyernes.

Samantala, umaabot naman sa mahigit walumpo’t siyam na libong piso ang mga nasamsam ng mga otoridad mula sa mga suspek.

Nakatakda namang ipaberipeka sa representante ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga umano’y pekeng pera.

No comments:

Post a Comment