Pages

Monday, March 05, 2012

Karagdagang Pulis Station para sa Boracay, Hiniling ng SB Malay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aprubado at naipasa na ng Sangguniang Bayan ng Malay ang resolusyon na maglagay ng karagdagang presinto ng pulis sa Boracay.

Subali’t sa pagkakataong ito, ang presintong hiniling ng konseho ay dapat isasa-ilalim na sa kontrol at regulasyon ng Punong Ehekutibo ng bayan ng Malay.

Kabilang na dito ang pagkakaroon ng awtoridad ng alkalde upang mamili ng ilalagay na hepe, na hindi sakop o saklaw ng Aklan Police Mobile Group (APMG).

Sa resolusyong ipinasa ng SB, nakasaad ang kahilingan ng konseho para kay Philippine National Police Director General Nicanor Bartolome, na maglagay ito ng isa pang himpilan sa isla, na siyang tutugon sa mga problema o krimen sa Boracay na walang kaugnayan sa turismo.

Layunin lamang umano ng konseho na kahit may Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na ay mapagaan din ang obligasyon nito, at upang mapag-tuunan ng mga ito ang pagbibigay aksiyon sa suliranin ng mga turista.

Matatandaang kamakailan lang ay naging isyu kung sino ang may mas higit na karapatan sa pagpili ng iluluklok na hepe sa Boracay Police, gayong ang kasalukuyang himpilan sa isla ay nasa-ilalim at kontrol ng pamahalaang probinsiya --- APMG at Department of Tourism.

No comments:

Post a Comment