Pages

Wednesday, January 18, 2012

Boarders, hindi na sisingilin ng garbage fee!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Ang boarders sa Balabag ay hindi na sisingilin pa ng individual Garbage Fee na P200.00.”

Ito ang nilinaw sa sesyong nitong umaga sa Sangguniang Bayan, kasunod ng mga reklamong natanggap ng konseho at mga katanungan mula sa publiko kasabay ng paninigil ng Brgy. Balabag ng Garbage Fee sa mga boarders.

Sa deliberasyon nilinaw na walang sapat at legal na basehan ang Brgy. Balabag para maninigil halagang ito.

Bagamat may ordinansa ukol dito, pero nabatid mula sa SB na hindi pa ito napagtibay ng konseho at hindi pa naaaprubahan.

Dahil dito, hiniling ng Sanggunian kay Punong Barangay Lilibeth SacapaƱo ng Balabag na huwag nang singilin pa ang mga boarders at huwag munang ipatupad ang P200.00 individual garbage fee dahil wala pa itong basehan at nababahala ang konseho na baka magkaroong ng problema sa hinaharap at mabalikan ang barangay.

Paliwanag kasi ng konseho, kung residente o household sa barangay ang pag-uusapan, nasa batas talaga ito at nasa  Barangay Revenue Code, pero  pagdating sa boarders, ibang usapan na aniya ito at hindi sila kasama sa household na tinutukoy ng barangay.

Lumalabas na ang nais mangyari ng konseho ay sa mga may-ari ng boarding house ipataw ang halagang ito at hindi sa boarders, dahil kung iisipin, ang local na pamahalaan ng Malay naman aniya ang nagbibigay ng subsidy at gumagastos para sa suliraning pangkapaligiran sa Boracay lalo na sa pangungolekta ng basura.

Bagamat maaaring maningil ng garbage fee sa mga household, nais ngayon ng konseho na malinawan muna ang lahat at magkaroon ng legal na basehan bago ipatupad.  

No comments:

Post a Comment