Pages

Friday, December 09, 2011

LGU Malay, nakakaramdam na ng hiya sa sitwasyon ng drainage sa Boracay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nahihiya na diumano, sa totoo lang si Engr. Elizer Casidsid, Municipal Engineer ng Malay, dahil sa pababalik-balik na isyu tungkol sa problema ng drainage system sa Boracay.

Pero wala umano silang magagawa kundi ang tumanggap ng mga negatibong reaksyon at reklamo mula sa publiko.

Gayon pa man, mariin nitong sinabi na ang tanggapan nila ay bukas sa anumang reklamo at nakahandang sumagot sa mga katanungan hinggil sa nasabing isyu kahit pabalik-balik pa ito.

Ito ay sa kabila sana, ayon sa enhinyero, ng katotohanan na ang drainage na ito sa isla ay hindi pa saklaw ng kanilang responsibilidad.

Saad nito, minsan na umanong nai-turn over ito sa lokal na pamahalaan ng Malay sa dati nitong adminastrasyon, at bagamat tinanggap na ito ay gumawa umano sila ng sulat sa Philippine Tourism Authority (PTA) na ibinabalik nila sa nasabing ahensiya ang drainage.

Ito ay dahil nakitaan aniya nila ito ng napakaraming problema at ang PTA ang may hawak ng plano dito at sila din ang mas nakaka-alam sa mga detalye nito.

Subalit dahil sa naipit na sa sitwasyong ito ang LGU Malay at ang Boracay din naman ang apektado dito at kasama na ang mga pinuno ng bayang ito ang masisi, gagawan pa rin aniya nila ng paraan para mabigyan ng pansamantalang solusyon, kaya maluwag nilang tatanggapin ang anumang reklamo tungkol dito.  

No comments:

Post a Comment